Friday, March 26, 2010

Poems on Overseas Filipinos




Online poems focus on overseas Filipinos is featured at:
http://marnescriptsmain.blogspot.com/

Read a sample for poet Rio Alma

Hulíng Hudhud
Ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot
Para sa Filipinas Kong Mahal

(Sipì)

Imbitasyon sa Manlalakbay


Kaluluwa kaming tambing
Sa Purgatoryo nanggáling
Doon po ang gawa namin
Araw-gabi’y manalangin.

Kung kami po’y lilimusan
Dali-daliin po lámang
Bakâ kami’y mapagsarhan
Ng pinto sa kalangitan.
—Pangaluluwa


Tangrib, lawas ng umaalon-along alindog,
Pana-panahon kang naglalakbay sa kaniyang katawan,
Isang kapuluan ng iwinisik at tumigas na luha,
Pira-pirasong kasaysayan ng poot at pagtataksil,
Namamarilong laging mga utong ng bulkan,
Kapatagan ng mapagpaubayang uhay at gulay,
Malalantik na baybaying
Halinhinang nilalalik ng malilibog na káti’t taog.
Sinasamba mo siyá
Sinasamba mo siyá mulang Simunul hanggang Itbayat.
Sinasamba mo ang bahaghari
Ng sampung libong wika’t balangay
Na iniwi sa singit at tuktok ng kaniyang mga bundok,
Sa siko’t siha ng kaniyang mga danaw at ilog.
Sinasamba mo ang matatanda’t bagong lungsod:
Pamána ng kaniyang winaldas na kabataan,
Regalo ng mga pangahas ngunit mapanlupig na pag-ibig.
Bayan ko?

Ay! Tíla siyá ilahas na libay at kay hirap angkinin.
Tíla siyá hulagway na dumudulas at umaalpas
Sa anumang panukala’t pakana ng haraya.
Nilalakbay mo ang kaniyang katawan
Sa pag-asang ganap mo siyáng makikilála’t maipakikilála;
Muli’t muli mong binabalikan ang mga bukal niya’t busáy,
Inaaninaw ang kaniyang mga ubaning batis,
Sinisipat ang kaniyang mga tagaytay at talampas,
Binibílang ang mga butil ng pawis at bigas
Sa bawat palad ng kaniyang mamamayan
Upang muli siyáng tuklasin,
Likhain,
Kipilin,
At itanghal na anyo ng iyong sarili.

No comments: